Aprubado na ng Korte Suprema ang pagdaraos ng digital bar examination sa Nobyembre.
Ito ay makaraang maging matagumpay ang isinagawa nilang mock test noong nakaraang buwan.
Gayunman nilinaw ni Office of the Bar Chairperson, Associate Justice Marvic Leonen na hindi pa rin gagawing “remote” ang pagsusulit.
Sa halip aniya ay magtatakda ng testing centers ang Korte Suprema sa isang partikular na lugar o mismong sa paaralan kung saan nagtapos ang mga examinees.
Nakadepende naman ang pagtukoy sa mga kuwalipikadong gawing local testing sites sa pinal na listahan ng mga eskuwelahan.
Paliwanag pa ni Leonen, magkakaroon pa rin ng proctor sa mga testing rooms at lalagyan din ng surveillance camera.
Dagdag ni Leonen, kinakailangan ding magdala ng sariling wifi enabled laptops ang mga kukuha ng pagsusulit.
Samantala, papayagan pa rin naman aniya ang tradisyunal na handwritten examinations pero sa mga pambirang kaso lamang tulad ng pagkakaroon ng physical disability ng examinee dahilan kaya hindi ito makagamit ng computer.