Mahigpit na ibinabala ng isang consumer network na maaaring palubhain ng panukalang Konektadong Pinoy Act ang digital divide sa bansa.
Ito’y dahil ang bill ay hindi nagtataglay ng mga hakbang na mag-aatas sa mga bagong player sa telecommunications space sa bansa na mag-invest sa mga liblib na lugar.
Batay sa isang statement sa Facebook, sinabi ng CitizenWatch Philippines na ang Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) ay dapat bigyan ng prayoridad, na nabigong tugunan ng panukala.
“Rural and remote communities could be left further behind as new players focus on more profitable urban markets, where returns on investment are quicker and more substantial,” wika ni CitizenWatch convenor Orlando Oxales.
Aniya, ang pagluluwag sa restrictions ay maaari ring makasama sa telco industry ng bansa dahil maaaring mapuwersa ng mga bagong pasok ang lahat ng players na magpatupad ng competitive pricing at higit na ituon ang kanilang resources sa urban areas.
“New entrants might resort to aggressive pricing strategies to gain market share, which could force all players to cut costs and reduce investments in critical infrastructure, thus leading to slower expansion, especially in GIDAs areas where broadband services are most needed,” dagdag pa ni Oxales.
Nabatid sa latest data mula sa DataReportal—Global Digital Insights na 73.6 percent lamang ng mga Pinoy ang konektado sa internet sa buong Pilipinas.
Sabi ng Statista Research Department, isang international research company, sa 2028 pa magkakaroon ng access sa internet connection ang 98 percent ng Filipino population.
Sinasabing ang average broadband internet speed sa Pilipinas ay kasalukuyang ranked 41st sa buong mundo, ayon sa Telecom Review.
Pahayag naman ni Prof. Dindo Manhit, presidente ng international research tank Stratbase, na isa itong “seryosong balakid na dapat malusutan” kung saan binigyang-diin niya ang pangangailangan ng internet connectivity para sa inclusion at social progress.
Isiniwalat naman ng World Bank na dapat magpokus ang mga policy maker sa Pilipinas sa mga reporma at magbuhos ng mas malaking budget sa pagpapahusay sa broadband infrastructure ng bansa dahil nakaaapekto ang limitadong internet connection sa maraming tao at sa mga oportunidad sa hinaharap.