Inihayag ni Office of the Press Secretary Officer-In-Charge Undersecretary Cheloy Garafil na natalakay ang digital masterplan ng Marcos Administration sa ika-12 cabinet meeting ngayong araw.
Aniya, pinangunahan ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary John Ivan Uy ang presentasyon ng plano at mga programa ng kanilang kagawaran para sa kabuuang hakbang ng pamahalaan sa digitalization.
Ang digitalization rin ay isa sa mga hakbang ng gobyerno upang patuloy na makahikayat ng mga mamumuhunan sa Pilipinas, at upang mapadali ang transaksyon at pagni-negosyo sa bansa.
Maliban dito, napag-usapan din sa pulong ang health protocols ng Pilipinas pagdating sa pagbiyahe, at ang panukalang gawing mas maluwag ang travel restrictions sa bansa.