Isusulong muli ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. ang resolusyong naglalayong tutukan ng Senate Committee on Ways and Means ang pagpapataw ng buwis sa Multinational Online Streaming Services at Digital Economy.
Sinabi ni Revilla na natutuwa siya sa plano ni Finance Secretary Benjamin Diokno na pabuwisan ang online purchases kasama na ang subscription sa streamlining app tulad ng Netflix.
Taong 2020 pa aniya niya isinulong na tingnan, repasuhin at i-update ang tax laws hinggil sa Digital Economy para ang makokolektang buwis dito ay uubrang gawing pondo sa mga programa at proyekto.
Binigyang diin ni Revilla na hindi makatuwirang saklaw ng mga batas hinggil sa taxation ang local online business subalit hindi nabubuwisan ang Multinational Corporations na walang gaanong physical presence pero malawak ang naaabot.
Tinukoy ni Revilla ang mga bansang Norway, Australia, Japan, France, South Korea, United Kingdom, Singapore at Malaysia na mayroon nang Digital Service Tax Laws na siyang direksyon na sa ngayon. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)