Naniniwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat nang tapusin ang napakabagal na proseso ng pangunahing serbisyo sa lokal na pamahalaan at yakapin ang makabagong teknolohiya.
Iginiit ito ni Pangulong Marcos nang isulong niya ang digitalization at E-governance sa naganap na Philippine Mayors Forum sa Quezon City upang mapabilis ang mga transaksyon at mas maginhawa ang kalagayan ng mga Pilipino sa ilalim ng tinatawag niyang Bagong Pilipinas.
Sa kanyang talumpati, kinilala ng Pangulo ang kahalagahan ng programa at serbisyo ng mga Punong Alkalde at Punong Lalawigan, kaya’t nararapat lang na isailalim na ang kani-kanilang proseso sa modernisasyon.
Hindi na rin dapat magpaiwan pa ang pamahalaan sa napakabilis na pagbabagong hatid ng teknolohiya, lalo na’t halos buong taumbayan na ang nakadepende rito sa pang-araw-araw nilang buhay.
Hinimok din ni Pangulong Marcos ang mga Local Government Unit na pag-aralan ang mga best practices ng mga lungsod sa ibang bansa na maaari rin nilang gawin sa kanilang mga nasasakupan.
Nauna na rito, ikinampanya na ni Pangulong Marcos ang e-governance sa kanyang ikalawang State of the Nation Address, kung saan inanunsyo niya na prayoridad ng kanyang administrastyon ang pagmodernisa ng iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan.
Nauungusan na aniya ang Pilipinas ng maraming bansa sa buong mundo kaya isa sa adhikain ng kanyang administrasyon ay mapaunlad ang lokal na digital infrastructure.