Hinimok ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga tagasuporta na dumistansya sa pagbibigay ng komento ukol sa kinahaharap niyang kaso sa International Criminal Court na crimes against humanity.
Ibinahagi ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte ang mensahe, kung saan sinabi aniya ng dating pangulo na hayaan na lamang umusad ang ligal na proseso kaugnay sa kaso nito.
Ayon kay VP Sara, sinabi rin ng kanyang ama na kung gusto ng mga taga-suporta nito na ipahayag ang pagsuporta at galit, ay mas mainam na huwag nang pag-usapan ang kaso ng dating pangulo.
Kasabay nito, hinimok ng nakatatandang Duterte ang kanyang mga taga-suporta na iboto sa darating na halalan ang senatorial candidates ng PDP-Laban.
Samantala, kinumpirma naman ng bise presidente na nabisita na nina Honeylet Avanceña at Kitty Duterte ang dating pangulo sa ICC penitentiary facility sa The Hague, Netherlands. —sa panulat ni John Riz Calata