Umakyat na sa 134 na mga barangay officials ang sinampahan ng reklamo kaugnay ng umano’y anomalya sa pamamahagi ng pinansiyal na ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP).
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, katumbas ito ng 320 porsyentong pagtaas sa bilang ng mga opisyal ng barangay na sinampahan ng kaso noong nakaraang linggo.
Magugunitang sa naging pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) noong nakaraang linggo, iniulat ni Año na nasa apatnapu’t dalawang opisiyal ng barangay na ang kinasuhan ng PNP-CIDG dahil sa anomalya sa SAP.
Sinabi ni Año, inaasahang madadagdagan pa ito ng siyam na kaso sa mga susunod na araw habang minamadali na rin ang case build up sa 86 na iba pang mga barangay officials.
Kasabay nito, binalaan ng kalihim ang mga tiwaling barangay officials at tiniyak na hindi makatatakas ang mga ito sa kanilang ginawang panloloko sa pamimigay ng ayuda.