(Updated)
Binalaan ng Department of Local and Interior Government (DILG) na sisibakin ang barangay officials na mangangampanya ng kandidato.
Ayon kay DILG Undersecreatry Epimaco Densing, nasa limampu’t dalawang (52) barangay officials na ang kanilang nasampolan at ipinagharap ng reklamo sa Commission on Elections (Comelec) noong Biyernes.
Ito aniya ay matapos umano masangkot ang mga ito sa partisan politics ngayong 2019 midterm elections.
Sinabi ni Densing, bago pa man ang panahon ng kampanya, kanila nang pinaalalahanan ang mga barangay officials na bawal ang mga itong ikampanya nang lantaran mga manok nilang kandidato pero marami pa rin aniya ang sumuway.
Batay sa joint circular ng Comelec at Civil Service Commission, tanging ang pangulo, ikalawang pangulo at iba pang elective officials ang pinapayagang mangampanya ng kandidato at hindi kasama ang mga barangay officials.
Ayon naman kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, napadalhan na niya ng show cause order ang mga inireklamong barangay at SK officials.
Sinabi ni Diño na nais muna niyang marinig ang paliwanag ng mga opisyal bilang bahagi ng due process.
Sakali aniyang may makita siyang sapat na basehan ay ididiretso na niya ang pagsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman.
—-