Binalaan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan hinggil sa sobra-sobrang paniningil sa mga indibiduwal na nangangailangan ng medical certificates.
Kasunod ito ng mga natatanggap na report ni DILG Secretary Eduardo Año na ilang mga LGU’s ang nagpapabayad ng umaabot sa tatlong libong piso kapalit ng medical certificates na kinakailangan upang makauwi na ang na-stranded sa gitna ng quarantine.
Ayon kay Año, kung maaari ay dapat na gawinng libre ang mga medical certificates dahil wala namang isinasagawang lab tests para rito.
Dagdag ng kalihim, hindi na rin dapat pahirapan pa ang mga na-stranded nating kababayan dahil nakaranas na rin sila ng sobrang paghihirap para lamang makauwi.
Kaugnay nito, hiniling ni Año sa mga alkalde na muling pag-aralan ang ipinapataw na singilin sa gitna na ng nararanasang krisis sa bansa na dapat aniya ay mababa lamang bilang public service fee.