Handa na ang Department of the Interior and Local Governmant (DILG) sa pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) sa National Capital Region (NCR) gayundin sa iba pang mga lugar sa tinukoy mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, naging maganda ang resulta aniya ng pagpapatupad ng mahigpit na community quarantine sa pagpapanatili ng peace and order situation lalo na sa Metro Manila.
Kasunod nito, sinabi ng kalihim na tatlong lungsod sa NCR ang kanila namang tinututukan dahil sa mataas pa rin ang naitatalang kaso rito ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Partikular sa mahigpit na binabantayan ang mga lungsod ng Maynila, Parañaque, at Quezon kaya’t kahit naka-GCQ na ang Metro Manila ay may kapangyarihan pa rin ang mga alkalde rito na magpatupad ng lockdown sa pinaka-apektadong mga barangay.
Paliwanag ni Año, hindi naman maihihiwalay ang mode of quarantine ng isa o dalawang lungsod dahil palipat-lipat ang mga tao sa Metro Manila dala na rin ng kanilang lugar na pinagtatrabahuan.
Bagama’t aminado ang kalihim na malaking hamon para sa kanila ang pagpapatupad ng batas sa ilalim ng GCQ, kumpiyansa pa rin naman sila na matutulungan pa rin nila ang publiko na mag-adjust sa new normal.