Wala nang extension pang ibibigay ang Department of Interior and Local government o DILG para matapos ng Metro Manila mayors ang road clearing operations sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, sapat na ang kanilang ibinigay na 60 araw para magawa ng mga alkalde ang kanilang hamon na linisin sa road obstructions ang mga kalsada sa kanilang lugar.
Ani Año, nakikita naman niyang nakasunod ang halos lahat ng alkalde sa Metro Manila.
Giit ng opisyal, dapat ay maging mahigpit sila sa ibinigay nilang deadline sa mga alkalde para aniya maipakita rin sa publiko na seryoso sila sa pagsasaayos ng bansa.
Ang mga alkaldeng hindi makakasunod sa mandato ng DILG kaugnay sa road clearing operations ay posibleng masuspindi hanggang sa matanggal sa pwesto.