Hinimok ni Interior Secretary Eduardo Año ang mga nakararanas ng sintomas ng COVID-19 na magpasuri upang maprotektahan ang kanilang pamilya at kasamahan sa trabaho.
Ayon kay Año, mas mapanganib kung hindi sasailalim sa swab test kung sila ay positibo dahil maaari silang makahawa ng kanilang pamilya at mga katrabaho.
Hindi anya makokontrol ang pandemya kung iiwas sa swab testing.
Nagbabala pa ang kalihim na ang pag-iwas sa swab test ay may kaakibat na parusa sa ilalim ng Republic Act 11332 o mandatory reporting of notifiable diseases and health events of public health concern act.
Pagmumultahin naman ng P20,000 hanggang P50,000 o pagkakakulong ng anim na buwan ang sinumang lalabag.—sa panulat ni Drew Nacino