Hinimok ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang mga Local Government Unit (LGU) at iba pang ahensya ng gobyerno na doblehin ang pagbabantay laban sa paggamit ng mga illegal firecrackers at indiscriminate firing para sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay DILG secretary Eduardo Año, inatasan nito ang Philippine National Police (PNP) na palakasin ang monitoring at inspeksyon upang masiguro na hindi kakalat sa merkado ang mga ilegal na paputok para maiwasan ang disgrasya sa bisperas ng Bagong Taon.
Dagdag ng opisyal, dapat siguraduhin ng PNP, Bureau of Fire Protection, at mga LGU ang mahigpit na pagsunod ng publiko sa mga ipinatutupad na alituntunin sa paggamit ng firecrackers.
Sinabi pa ng kalihim na maaaring maaresto at pagmultahin ng P20,000 hanggang P30,000 at mahaharap sa anim na buwan hanggang isang taong pagkakakulong, kanselasyon ng lisensya at business permit, ang sinumang mahuling lumabag dito.