Humingi ng paumanhin sa publiko ang Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa kontrobersyal na house to house visit ng mga Pulis sa ilang mga mamamahayag sa National Capital Region (NCR).
Kasunod ito pagbisita ng mga otoridad sa mismong bahay ng mga media personalities upang alamin kung mayroong natatanggap ang mga ito na banta sa kanilang mga buhay.
Matatandaang umalma ang ilang mga mamamahayag dahil sa paglabag sa kanilang privacy o ang Privacy Act matapos bisitahin ng mga Pulis at hingiin ang kanilang contact details.
Ayon sa ilang mga mamamahayag, nakakabahala din ang mga Pulis na naka-sibilyan na pumupunta sa kanilang bahay ng biglaan at walang pasabi kung saan, kinukuhanan pa umano sila sa personal ng litrato.
Bukod pa dito, ang mga nakasibilyan ay nagpapakilala lamang na sila ay mga pulis pero hindi nag-iiwan ng pangalan o contact number.
Ayon kay DILG secretary Benhur Abalos, hindi na mauulit ang pagsasagawa ng house to house visit ng mga pulis, na nagdulot lamang ng pagkataranta o pangamba sa buong pamilya ng mga binisitang mamamahayag.
Sa ngayon plano ng Kalihim na makipagpulong sa mga media organization maging sa kanilang ahensya upang hindi na maulit ang insidente.