Idinepensa ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang planong pagpapalabas ng listahan ng mga narco-politicians o mga kandidato at pulitikong sangkot sa iligal na droga bago ang midterm elections sa Mayo 13.
Ayon kay DILG Undersecretary Martin Diño, makakatulong ang nasabing listahan para makapamiili ng mga tamang kandidato para sa mga lokal na puwesto sa pamahalaan ang mga botante.
Iginiit naman ni Diño na walang dapat ikabahala ang lahat dahil dadaan aniya sa mahigipit na beripikasyon ang nasabing listahan bago ito isapubliko.
Magkakaroon din aniya ng joint statement ang DILG at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil dito bago matapos ang Marso.
“Kung meron mang magrereklamo eh bahala sila, pero ang sa atin ay ‘yun namang kaalaman na maibibigay natin sa mga botante, may validation naman, kung ako lang masusunod as soon as possible ay talagang mailabas na para makita natin kung sino ang nagtatrabaho o hindi, kung sino ang involved dapat makulong at huwag nang makabalik sa puwesto dahil baka gamitin pa nila ‘yan para lumaganap ang droga sa kani-kanilang pamayanan.” Pahayag ni Diño
(Ratsada Balita Interview)