Inatasan ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang mga opisyal ng Barangay na samantalahin na ang panahon ng tag-init upang paghandaan ang mga papalapit na kalamidad na posibleng dumating sa bansa.
Ito ang inihaya ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Dinio kasabay ng paglulunsad kahapon ng Project MAGHANDA o ang recalibration sa disaster awareness and response ng Pamahalaan.
Ayon kay Dinio, magandang pagkakataon ang panahong ito ng tag-init na gumawa ng mga kaukulang hakbang upang masawata ang epektong dulot ng mga pagbaha sa tuwing umuulan o bumabagyo.
Kasunod nito, ipinag-utos din ni Dinio sa mga opisyal ng Barangay na makipag-ugnayan sa PAGASA upang magkaroon ng sapat na kaalaman at matulungan silang bumalangkas ng mga angkop na panuntunan hinggil sa pagtugon sa kalamidad.
Samantala, aminado si Dinio na malaking hamon para sa mga Barangay ang santambak na mga basurang babalandra sa mga lansangan dahil sa mga campaign materials ngayong papalapit na halalan. – ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)