Ipinag-utos na ni Department of Interior and local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang paglalagay ng mga Overseas Filipino Workers(OFW)’s help desk sa lahat ng regional na tanggapan ng ahensiya.
Kasunod aniya ito ng natatanggap pa rin nilang balita hinggil sa ilang mga balik bansang OFW’s na hinaharang at pinipigilang makapasok ng mga kinabibilangang komunidad o sa mga itinakdang quarantine facilities.
Ayon kay Año, sa pamamagitan ng mga ilalagay na OFW desk at itatalagang desk officer sa mga rehiyon, probinsiya at lungsod, kanilang matutulungang makauwi sa kanilang mga kaanak ang OFW’s na natapos na sa quarantine.
Makikipag-ugnayan aniya ang mga nabanggit na desk officers sa mga local chief executives para ipa-alam ang impormasyon hinggil sa dumating na OFW’s.
Samantala, pinatitiyak naman ni año ang mahigpit na pagmonitor sa mga OFW’s na sumasailalim sa mandatory 14-day quarantine bilang bahagi ng pag-iingat laban sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).