Kinondena ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang sinasabing bantang “shoot to kill” ng pinuno ng Quezon City Task Force Disiplina laban sa mga lumalabag sa quarantine protocols sa lungsod.
Ayon kay DILG Spokesman Undersecretary Jonathan Malaya, mali at labag sa batas ang naging pahayag ni QC Task Force Displina Chief Rannie Ludovico sa kanyang Facebook account.
Sinabi ni Malaya, bagama’t mahigpit nilang pinaniniwalaan na disiplina ang isa sa mga paraan upang mapigil ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), kinakailangan pa rin ang pagpapatupad nito nang naaayon sa batas.
Iginiit ni Malaya, hindi kinukunsinte ng DILG ang anumang posibleng pag-abuso sa kapangyarihan sa anumang bahagi ng mga law enforcement agencies o enforcement unit ng mga local government units (LGUs).
Dagdag ni Malaya, kinakailangang sumasaklaw sa umiiral ng ordinansa sa isang lugar ang lahat ng mga parusa o multang ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan laban sa mga quarantine violators.