Makikiusap si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año kay Education Secretary Leonor Briones para palawigin ang pagpapagamit sa mga paaralan bilang evacuation center.
Ito’y sakaling wala talagang mahanap ang DILG at ang lokal na pamahalaan ng Batangas na ibang lugar na malilipatan ng mga apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Ayon kay Año, makikipagpulong siya sa pamahalaang panlalawigan ng Batangas upang talakayin ang apela ni Briones na huwag nang gawing evacuation center ang mga paaralan.
Batid naman nila na mahalagang makabalik agad ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral sa kabila ng epekto ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Alinsunod aniya sa panuntunan, hanggang dalawang linggo lamang maaaring gamiting evacuation center ang mga paaralan subalit sa pagkakataong ito, halos dalawang linggo na mula nang mag-alburuto ang bulkan.
Batay sa datos mula sa DepEd, nasa mahigit 7,000 mga paaralan ang apektado ngayon ng pag-aalburuto ng bulkan dahil karamihan ay ginagamit bilang evacuation center. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)