Muling binalaan ng Department of Interior and Local Government o DILG ang mga scammers o manloloko na nangangalap ng mga donasyon para ibigay umano sa mga bakwit sa Marawi City.
Ito ay matapos na patuloy na makatanggap ng mga reklamo ang kanilang regional offices at mga lokal na opisyal na nakakatanggap ng mga text at tawag ng mga nagpapakilalang mga staff umano ng kagawaran at humihingi ng cash donations.
Ayon kay DILG OIC Catalino Cuy, nakikipag-uganayan na sila sa IT experts para mahanap at mapanagot ang mga nasabing scammers.
Inatasan na din ni Cuy ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na tumulong sa kanilang mga imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga scammers.
Hinikayat naman ni Cuy ang mga biktima ng scamming na magsumbong at makipag-ugnayan sa pinakamalapit na lokal na tanggapan ng DILG sa kanilang mga lugar.