Nagbabala sa publiko ang pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa pekeng COVID-19 vaccine na umano’y gawang Pfizer BioNTech.
Sa isang pahayag, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na dapat maging mapagmatyag ang lahat ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan kasama na ang mga opisyal ng mga barangay.
Mababatid na ang balitang may kumakalat na pekeng Pfizer vaccines sa merkado ay napag-alaman ng DILG matapos na mag-isyu ng product alert ang World Health Organization (WHO) na talamak na ang mga ito.
Giit ni Año na bagamat wala pang naitatalang mga balita ng pekeng bakuna sa bansa nararapat pa rin aniya na maging mapagmatyag ang bawat isa lalo na’t delikado ang mga pekeng bakuna lalo na kung ito’y maituturok sa tao.
Nauna rito, nag-isyu ng global medical product alert ang WHO dahil din sa BNT162B2 na nagsasabing Pfizer BioNTech ang may gawa.