Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Local Government Units (LGUs) na nagbibigay ng 2nd dose ng booster shots sa mga hindi kwalipikado.
Kasunod ito ng naging pahayag ng isang indibidwal na nakatanggap na umano ito ng 2nd booster shot kahit hindi pa ito kwalipikado.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, posibleng maharap sa kaparusahan ang mga lokal na pamahalaan na magbibigay ng ikalawang booster dose sa general population.
Iginiit ni Año na tanging ang mga nakatatanda lamang, mga may karamdaman at mga health worker ang maaari munang makatanggap ng ikalawang booster dose.
Sinabi pa ng kalihim na dapat igalang ng bawat isa ang proseso at sistemang ipinatutupad ng pamahalaan dahil maingat naman itong pinag-aaralan ng mga tauhan ng Inter-Agency Task Force (IATF).