Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na opisyal at sa publiko laban sa mga sindikato na nagpapanggap bilang senior officials ng ahensya para nangingikil ng pera.
Ito, ayon kay DILG spokesman Undersecretary Jonathan Malaya, ay makaraang makarating sa kanila ang mga ulat mula sa kanilang mga regional at field offices na nakatatanggap umano sila ng mga tawag o text messages mula sa mga indibidwal na nagpapanggap na senior DILG officials.
Nag-aalok umano ang mga ito ng ayuda para sa COVID-19 kapalit ang pera.
Payo ni Malaya sa publiko at mga local government units (LGUs), maging alerto at beripikahin muna mula sa DILG kung tunay ngang may koneksyon sa ahensya ang sinumang tatawag at magpakilalang opisyal ng DILG.
Nilinaw din nito na sa official channels at hindi sa text messages o tawag lamang ipinadadaan ang opisyal na komunikasyon ng mga tanggapan ng DILG.
Agad naman aniyang ipaalam o makipag-ugnayan sa mga otoridad oras na makaranas ng naturang insidente.