Binigyan ng 75 araw ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay officials na linisin mula sa mga obstruction o harang ang lahat ng mga kalsada na kanilang mga nasasakupan.
Ito ay bilang bahagi ng ikalawang bugso ng direktiba ng pangulo na linisin ang lahat ng mga ilegal na obstruction sa mga kalsada o tinawag nilang “Road Clearing 2.0”.
Ayon kay DILG secretary Eduardo Año, nagpalabas na siya ng memorandum na nag-aatas sa mga Local Government Units (LGUs) lalo na sa mga opisyal ng barangay na magpatupad ng clearing operations sa mga tertiary roads.
Layun aniya nitong mapanatiling malinis ang mga kalsada at daan sa buong bansa na tulad ng naging resulta ng mga isinagawang operasyon noong nakaraang taon.
Sinabi ni Año, magsisimula ngayong araw, ika-17 ng Pebrero, ang 75 araw na palugit sa mga barangay officials.