Mananatili pa ring sarado ang Department of the Interior and Local Government – National Police Commission (DILG-NAPOLCOM) Center sa bahagi ng Edsa cor. Quezon Avenue sa Quezon City.
Ito ay matapos na palawigin pa ng isang linggo ang lockdown sa gusali makaraan namang mabatid nito noong Biyernes, Hulyo 10, na positibo rin sa COVID-19 ang isa sa mga empleyado doon.
Ayon sa NAPOLCOM, nananatiling sarado sa publiko ang kanilang opisina sa Q.C. simula bukas, Hulyo 13 hanggang Biyernes, Hulyo 17.
Layunin anila nito na mabawasan ang physical interaction at magbigay daan na rin sa isasagawang contact tracing.
Kaugnay nito, pansamantalang inilagay sa work from home status ang mga empleyado ng NAPOLCOM sa loob ng isang linggo habang nagtalaga ng tauhan at administrative service employee sa 7th floor ng gusali para i-accommodate ang ilang mga kliyente.
Magugunitang, unang ini-lockdown ang DILG-NAPOLCOM Center noong Hulyo 6 hanggang ngayong araw matapos na magpositibo sa COVID-19 si DILG Usec. Epimaco Densing.