Isinailalim sa 7 araw na lockdown ang gusali ng DILG-Napolcom center sa Quezon City.
Sinimulan ang naturang lockdown kahapon, Lunes, 6 ng Hulyo, bilang pag-iingat makaraang magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isa nitong senior official.
Pero ayon sa tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan Malaya, hindi nito maaapektuhan ang kabuuang serbisyong inihahatid ng kagawaran sa kanilang central office, ito’y dahil pwede naman silang magpatupad ng work-from-home scheme o kaya’t magpalabas ng dokumento sa lobby ng naturang gusali.
Dagdag pa ni Malaya, mananatili ang operasyon ng bawat tanggapan ng DILG magpahanggang sa mga field units nito.
Kasunod ng pagsasailalim ng gusali sa lockdown, magsasagawa ng disinfection sa mga opisina nito, gayundin ang contact tracing sa lahat ng mga kawani nito.
Bukod pa rito, mahigpit pa ring ipinatutupad ang ‘no visitor policy’ kaya’t payo ng dilg sa publiko na ipadaan na lamang ang mga transaksyon nito sa email, telepono, at social media ng kagawaran.
Samantala, nakatakda namang magtapos ang ipinatutupad na lockdown sa gusali sa 13 ng Hulyo.