Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang inilabas na circular ng Korte Suprema na layuning paluwagin ang mga bilangguan sa bansa sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y makaraang ipag-utos ng high tribunal ang pagpapalaya sa mga bilanggo mula sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor).
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, uunahin aniya ng BJMP ang pagpapalaya sa bilanggo na mayroong hawak na court order at kasalukuyang nakapiit sa mga BJMP facility na apektado ng COVID-19.
Alinsunod sa ruling ng high tribunal, babawasan ang piyansa ng mga bilanggong nahatulan ng reclusion temporal habang ang mga nahatulan naman ng anim na buwang pagkakakulong pababa ay palalayain batay sa tinatawag na recognizance.
Batay sa datos ng DILG, sa kabuuang 468 pasilidad ng BJMP sa buong bansa, nasa 345 ang naitalang kaso ng COVID-19 mula sa apat na pasilidad nito.
Dahil dito, aabot sa mahigit 3,000 mga bilanggo ang maaari namang mapalaya mula sa mga pasilidad ng BJMP sa sandaling matanggap na ng mga ito ang kautusan mula sa Korte.