Pinatitiyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) ang regular na pag-update sa kanilang coronavirus disease 2019 (COVID-19) data sa vaccine monitoring system (VMS).
Ito ay ayon kay DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya kung saan pinapabilis nila sa mga LGU ang pag-encode ng mga kinakailangang impormasyon sa naturang system upang malaman ng national government kung saan maaaring ideploy ang susunod na batch ng mga bakuna.
Sa VMS aniya nadedetermina ang datos kaugnay sa national COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.
Sa inilabas na ulat ng DILG Central Emergency Operations Centers, nasa 27.17% ng kabuuang 1,634 na lungsod at munisipalidad ang nakumpleto na ang datos sa VMS.
Habang nasa 1,190 LGUs ang nabigong makapag-update ng kanilang data.
Dahil dito, maaari aniyang magresulta ito sa mababang vaccination level, hindi saktong deployment ng supply ng bakuna at iregularidad sa bakuna tulad ng umano’y ‘slot for sale’.