Binalaan ni Interior secretary Benhur Abalos ang mga personnel ng Bureau of Jail Management and Penology na nasasangkot sa ilegal na droga at iba pang ilegal na aktibidad.
Sa kanyang pahayag sa 31st Anniversary ng Bureau of Jail Management and Penology, iginiit ni Abalos na kailangang linisin ang mga personnel ng BJMP upang mailayo ang mga preso sa ilegal na droga, pagpasok ng electronic communication gaya ng cellphone, pagpasok ng baril, patalim at iba pang kontrabando sa mga piitan.
Ayon sa Kalihim, patuloy ang isinasagawang programa ng BJMP upang mapigilan at masawata ang pagpasok ng COVID-19 sa mga bilangguan at ang rehabilitasyon sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Iminungkahi rin ni Abalos ang pagsasagawa ng drug test sa mga PDL sa buong bansa upang matukoy kung gumagamit ng ilegal na droga ang mga ito.
Para naman anya maisagawa ang rehabilitasyon ng mga PDL ay kailangang maresolba ang siksikan sa mga kulungan.