Pinasalamatan ni Department of the Interior and Local Government secretary Benhur Abalos Jr., ang mga sumusuporta at tumatalima sa kanyang panawagang magbitiw sa pwesto ang mga heneral at koronel bilang bahagi ng kampanya para malinis ang hanay ng pulisya mula sa iligal na droga.
Ayon kay Abalos, umabot na sa 60% o mahigit 500 general at colonels ng Philippine National Police ang nagsumite na ng kanilang Courtesy Resignation.
Itinuturing aniya ito bilang isang welcome development sa layuning maalis sa hanay ng pulisya ang mga tiwali at scalawag cops.
Inaasahan din ni Abalos na mas dadami pa ang bilang sa susunod na linggo hanggang sa katapusan ng buwan.
Sa ngayon, paglilinaw ni Abalos na hindi maaapektuhan ng resignation ang paghahatid ng serbisyo ng PNP maliban na lang kung tatanggapin ito ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Tiniyak din nito na magiging independent at patas ang gagawing imbestigasyon sa mga Pulis na sangkot sa iligal na droga sa tulong na rin ng five-man advisory group na pinangungunahan ni Retired Police General at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Sinabi pa ni Abalos na target nilang matapos ang imbestigasyon sa loob ng tatlong buwan.