Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang hakbang na pabalikin muli sa kulungan ang mga sentensyadong napalaya na dahil sa Good Conduct Time Allowance law (GCTA).
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, mahalaga aniya ang nasabing hakbang lalo’t hindi naman naging maayos ang pagkuwenta sa kanilang GCTA credits kaya’t dapat lamang na i-tama iyon.
Sinegundahan din ng kalihim ang pahayag ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde na dapat ituring ding pugante ang halos 2,000 pinalayang preso gamit ang GCTA sakaling ipawalang bisa na ito ng justice department.
Sa panig naman ng PNP, sinabi ni Albayalde na naka – standby na ang kanilang binuong tracker teams na siyang tutugis sa mga nakalayang preso sa ilalim ng GCTA.
Pero nilinaw ng PNP Chief na wala pang inilalabas na utos si Pangulong Rodrigo Duterte na damputin na ang mga pinalayang preso at ibalik sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
With report from Jaymark Dagala