Target ng Department of Interior and Local Government o DILG ang zero casualty o walang maitalang patay sa pananalasa ng bagyong Ompong.
Sinabi ni DILG-OIC Eduardo Año na noong isang linggo pa nagpalabas ng advisory ang gobyerno hinggil sa hindi pangkaraniwang bagyo at maaaring katulad ng Yolanda ang bagyong Ompong.
Kaya nga’t hinihimok anya nila ang local leaders na tiyaking handa ang kanilang mamamayan.
Kasabay nito, binalaan ni Año ang mga alkalde na wala sa kanilang teritoryo sa kasagsagan ng bagyo na paparusahan kung wala sa kanilang mga bayan dahil ang mga ito ang chairperson ng kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Council.
NDRRMC
Tuluy-tuloy ang mahigpit na pakikipag-ugnayan ng NDRRMC sa local government units kaugnay sa paghahanda sa bagyong Ompong.
Tiniyak ito sa DWIZ ni NDRRMC Administrator Ricardo Jalad sa gitna na rin nang puspusang paghahanda lalo na ng mga otoridad sa bagyo lalo na ang mga lugar na direktang tatamaan nito.
Ayon kay Jalad, apat na antas ang binuo nilang koordinasyon para maiwasan ang mga pinsala ng bagyong Ompong.
Siniguro ni Jalad ang maayos na komunikasyon kabilang ang pagkakaroon ng back up sa local government units para maibigay ang kinakailangang tulong na kakailanganin ng mga ito katuwang ang iba’t ibang non-government communications groups.
Kalinga
Samantala, naipakalat na ng provincial government ng Kalinga ang mga safety measures kaugnay sa pagdating ng bagyong Ompong.
Ayon kay Kalinga Governor Josel Baac, kasado na ang puwersa ng mga awtoridad at maging ng media sa lalawigan para makaagapay sa anumang pinsalang idudulot ng nasabing bagyo.
Sinabi sa DWIZ ni Baac na napaghandaan na nila ang pagdating ng bagyong Ompong.
—-