Tiniyak ni Department of Interior and Local Government o DILG Sec. Eduardo Año na tutulong ang kanilang tanggapan upang mabawi ng mga magulang ang kanilang mga anak na sinasabing nirekrut ng mga rebeldeng New Peoples Army o NPA.
Matatandaang, kamakailan lamang dumulog sa Senado ang mga naturang magulang at humihingi ng tulong upang muling makapiling ang kanilang mga nawawalang anak na umano’y umanib na sa komunistang grupo.
Ayon kay Año, mapanlinlang at mapagpanggap lamang na makamahirap ang NPA ngunit ang totoo aniya’y paraan lamang ito ng grupo upang makapag-rekrut ng mga kabataan na madali nilang ma-brainwash.
Dagdag pa ng kalihim, ang pinakamasaklap pa aniya dito, ay ang mga bagong rekrut na mga kabataan ang madalas na namamatay dahil sila ang dine-deploy ng rebeldeng komunista sa mga kabundukan upang makipaglaban sa mga militar o tropa ng pamahalaan.