Tumanggi ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na tukuyin ang mga local government units (LGs) na lumalabag sa guidelines ng Inter-Agency Task Force hinggil sa enhanced community quarantine.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nagpadala na sila ng komunikasyon sa mga LGUs.
Ito’y bilang pagsunod sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na kastiguhin ang mga LGUs na hindi na sumusunod sa guidelines.
Tinukoy ni Año ang mga LGUs na nagsara ng kanilang borders at ayaw magpadaan ng mga kargo kahit pa pagkain ito o mahahalagang gamit para sa ibang lalawigan.
Iginiit ni Año na hindi dapat maantala o harangin ang mga cargo lalo na kung ito ay pagkain.
Nakiusap naman si Cabinet Secretary Karlo Nograles sa media na huwag nang igiit na pangalanan ang mga LGUs na mayroong paglabag upang hindi na lumaki pa ang isyu.
Dapat anyang isaisip ng lahat na walang nangyayaring away sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno dahil sama-sama dapat nating labanan ang tunay na kaaway –ang COVID-19.