Tutol ang Department of Interior and Local Government o DILG sa panukalang ibalik sa Department of Education o DepEd ang kapangyarihan ng pagkakansela ng klase sa tuwing masama ang panahon.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, hindi maaaring ibalik sa DepEd ang pagdedesisyon sa suspensyon ng klase dahil sa ang mga lokal na pamahalaan aniya ang mas nakakaalam ng sitwasyon sa kanilang lugar.
Sinabi ni Densing nasa tungkulin ng Local Disaster Risk Reduction Councils na pinamumunuan ng mga alkalde ang pagdedeklara ng kanselasyon ng klase batay sa sitwasyon ng pag-ulan, pagbaha at tiyansa ng landslide sa kanilang mga nasasakupan.
Nag-ugat ang panukalang ibalik sa DepEd ang kapangyarihan ng pagsusupinde ng klase dahil sa mga huli nang pagdedeklarang walang pasok ng ilang lokal na opisyal.
Gayunman, sinabi ni Densing na dapat idinedeklara ang suspensyon ng klase bago ang alas-4:30 ng madaling araw para sa pang umagang klase habang bago ang alas-11:00 ng umaga para sa panghapong klase.
Babala ni Densing maaaring kasuhan ng administratibo ang mga tatamad-tamad na lokal na opisyal dahil sa hindi pagtupad ng mga ito sa batas.
—-