Tutularan ng Department Of Interior And Local Government (DILG) ang clean-up campaign ni Manila City Mayor Isko Moreno.
Ito ang inihayag ni DILG Secretary Eduardo Año kasabay ng pagtiyak na susundin ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin at ibalik sa mga motorista ang lahat ng mga pampublikong lansangan.
Ayon kay Año, kanilang sisimulan ang paglilinis sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagpapaalis sa mga tindahan o tiangge na sumasakop na sa mga kalsada na katulad aniya ng ginagawa ni Moreno sa Divisoria.
Gayundin aniya ang mga ginagawang parking lot ang mga pampublikong lansangan.
Maliban dito, sinabi ni Año na makikipag-ugnayan din sila sa pamunuan ng mga subdivision na maaaring magamit bilang alternatibong ruta ng mga motorista para makaiwas sa mabigat na trapiko.