Minaliit ng Department of Interior and Local Government o DILG ang petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestyon sa legalidad ng anim na buwang pagpapasara sa Boracay Island.
Ayon kay Assistant Secretary Epimaco Densing ng DILG, mayroong desisyon ang Korte Suprema noong October 2008 na nagdedeklarang state property o sovereign property ang Boracay.
Ibig aniyang sabihin nito ay mayroong kapangyarihan ang pamahalaan na ipagbawal ang pagpasok sa Boracay.
Gayunman, aminado si Densing na posibleng mabinbin ang pagsisimula ng rehabilitasyon ng Boracay kung wala pang executive order na ilalabas ang Malacañang hinggil sa pormal na pagsasara ng Boracay at kung hindi pa ito maisasailalim sa state o calamity.
Sa ngayon aniya ay nakasandal ang mga aksyon nila sa police powers ng Department of Environment and Natural Resources hinggil sa solid waste management na bigong maipatupad sa Boracay Island at sa lokal na pamahalaan ng Malay para naman sa ginagawa nilang pagbabaklas.
Nagpahayag ng pag-asa si Densing na malalagdaan ng Pangulo ang EO at deklarasyon ng state of calamity bago ito bumiyahe patungo ng Singapore ngayong hapon.
Nakahanda naman ang pamahalaang lokal ng Boracay na isailalim sa state of calamity ang Boracay Island.
Ayon kay Administrator Rowen Aguirre ng Malay Aklan, humihingi lamang sila sa national government ng gagamiting basehan para ideklara sa ilalim ng state of calamity ang Boracay Island.
Sinabi ni Aguirre na batay sa ginawa nilang pag-aaral sa batas, hindi sapat ang mga ibinigay sa kanilang dahilan para bigyang katwiran ang deklarasyon ng state of calamity.
—-