Ibinunyag ni Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño na hindi lahat ng mga local chief officials ay sumunod sa kanilang utos na pag aalis ng obstruction.
Aniya, mayroong mga barangay captain na inaalagaan pa umano ang mga illegal vendors at ang mga may ari ng sasakyang iligal na nakaparada sa mga lansangan.
“60 days ang ibinigay sa kanila, tapos alam mo yung iba diyan, walang ginawa talaga. Hindi gumalaw. Talagang nagmatigas. Akala nila biro biro lang ito. Nagkakamali sila. Tapos sila pa ang nag aalaga ng mga side walk vendor. Yan ang natuklasan natin diyan.”
Tinawag din ni Diño na “October sibakan” ang susunod na buwan dahil marami umanong mga lokal na lider ang pwedeng masibak dahil dito.
Ngunit nilinaw ni Diño na dadaan muna sa balidasyon ang kanilang mga makikitang obstruction bago magsuspinde o magsibak.
“Bukas ay siyempre ay titingnan o iva-validate muna natin tapos kukuhanan namin ng litrato, ivi-video namin yung mga lugar na meron paring illegal parking atsaka side walk vendor atsaka yung mga kapitan, yung mga barangay hall na sinasakop parin nila ang kalsada. Yan iva-validate namin bukas at kapag na validate na namin, susulatan namin ang mga mayor na “eto ang resulta ng aming validation,” ani Diño — sa panayam ng Todong Nationwide Talakayan