Pinalaya na ng Abu Sayyaf ang principal ng isang paaralan sa Sulu, 12-oras matapos nilang dukutin ito sa loob ng kanyang tanggapan sa Liang Elementary School sa Patikul Sulu.
Ayon kay Esquierdo Jumadain, focal person ng DepEd Disaster Risk and Reduction Management, pinalaya rin agad si Marjorie Abdul matapos makipag-negosasyon sa mga kidnappers ang pamilya nito.
Posible umanong nagbayad ng hindi tinukoy na halaga ng ransom money ang pamilya ni Abdul.
Si Abdul ang ikalawang taga-Department of Education na dinukot ng Abu Sayyaf sa Sulu ngayong Marso.
Gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa pinalalaya ang si Sitti Dormis Hamsirano ng Matatal Elementary School sa Maimung Sulu na dinukot pa noong March 8.
Sinasabing 2 milyong piso ang hinihinging ransom ng Abu Sayyaf para sa kalayaan ni Hamsirano.
—-