Posibleng natatakot matalo sa eleksyon ang mga re-eleksyonistang senador kaya’t ayaw nilang i-sponsor ang panukalang TRAIN 2 sa Senado.
Reaksyon ito ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa pahayag ni Senador Migz Zubiri na hindi papasa sa Senado ang panukalang TRAIN 2.
Hinamon ni Diokno ang mga senador na maging responsable at isipin ang kapakanan ng mga mamamayan na mas makikinabang sa TRAIN 2.
“Mare-recall nila ang tinatawag kong ‘Recto effect’, matatandaan mo nung panahon ni GMA siya ang nag-sponsor nung pagtaas ng VAT from 10 to 12, natalo siya sa eleksyon, syempre eh ang isang pulitiko iniisip niya ang next election, eh medyo malapit na ang midterm election so baka natatakot sila na baka matalo sila, but we expect from our leaders some sense of responsibility, kailangan natin ito.” Ani Diokno
Sa ilalim ng TRAIN 2, tatapyasan ng pamahalaan ang corporate income tax na binabayaran ng mga kumpanya sa bansa.
Ayon kay Diokno, mas mahihikayat ang mga negosyo na pumasok sa Pilipinas kung babaaan ang binabayaran nilang buwis at dadami ang malilikhang trabaho.
Pinakamataas aniya sa buong Asya ang tatlumpung (30) porsyentong coporate income tax kumpara sa labing pitong (17) porsyento lamang ng Singapore.
Upang mabawi aniya ang malaking halagang mawawala sa pamahalaan kapag ibinaba ang corporate income tax, nirerepaso nila ngayon ang mga fiscal incentives na ibinibigay ng gobyerno sa mga kumpanya.
“Sa tingin namin ang karamihan doon ay redundant, in other words, papasok din naman ang industriya kahit may incentive o wala, napaka-profitable naman pero binibigyan pa rin natin ng incentives. Ang tawag ko dun sa fiscal incentives ay pork barrel on the tax side, pinamimigay ng mga pulitiko ‘yun para may kapit din sila para siguro kapag halimbawa eleksyon ay may kaibigan sila sa business sector, alam mo may mga insentibo pa tayo na forever.” Pahayag ni Diokno
(Ratsada Balita Interview)
—-