Nagbanta ang Malakanyang ng diplomatic fallout sa pagitan ng Pilipinas at Canada kung hindi agad maa-aksyunan ang tone-tonelada nilang basura na nasa Pilipinas.
Pinuna ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang anya’y malabong sagot ng Canada sa babala ng Pangulong Rodrigo Duterte na handa syang magdeklara ng giyera kung hindi agad maibabalik sa Canada ang mga basura.
Binigyang diin ni Panelo na non-negotiable ang paggamit ng Canada sa Pilipinas na tapunan ng basura.
Una rito, sinabi ng Canadian Embassy na isang technical working group na binubuo ng mga kinatawan mula sa dalawang bansa ang gumagawa na ng paraan kung paano reresolbahin ang problema sa mga shipping containers ng Canada na punong-puno ng basura.