Hihingi ng kompensasyon mula sa China ang mga mangingisdang Pilipino na itinaboy nila sa West Philippine Sea.
Pahayag ito ni Kabayan Partylist Representative Harry Roque, isa sa mga kumakatawan sa mga mangingisda makaraang manalo ang kaso ng Pilipinas laban sa China sa International Arbitral Tribunal.
Ayon kay Roque, nauna na nilang kinasuhan ang China ng paglabag sa karapatang pantao ng mga mangingisdang Pilipino sa International Human Rights Commission.
Sakali anyang makaranas pa rin ngayon ng pambu-bully ang mga mangingisda mula sa China maaari na itong ireklamo sa United Nations General Assembly.
Bahagi ng pahayag ni Kabayan Partylist Rep. Harry Roque
China
Kumbinsido si Kabayan Partylist Representative Harry Roque na kikilalanin rin ng China sa hinaharap ang desisyon ng International Arbitral Tribunal na pumapabor sa Pilipinas.
Ayon kay Roque, mahalaga para sa China ang opinyon o pagtingin ng international community lalo na’t pumoporma ito bilang super power.
Batay anya sa desisyon ng International Arbitral Tribunal, dapat hayaang mangisda ng Tsina ang mga mangingisdang Pinoy at alisin ang mga imprastrakturang inilagay nila sa sinakop nilang bahagi ng West Philippine Sea dahil bahagi ito ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Bahagi ng pahayag ni Kabayan Partylist Rep. Harry Roque
Diplomatic talks
Hinimok naman ni Roque si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang diplomatikong pakikipag-usap sa bansang China.
Ito ay sa kabila ng naging desisyon ng International Court of Arbitration (ICA) na pag-aari ng Pilipinas ang mga pinagtatalunang isla sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Roque na hindi rin mareresolba ng naging desisyon ng Tribunal kung sino talaga ang nagmamay-ari ng mga pinag-aagawang isla dahil ang hurisdiksyon ng tribunal ay para lamang sa karagatan.
Idinagdag pa ni Roque na nararapat pa rin na isulong ang bilateral talks sa pagitan ng China para tuluyan ng maresolba ang sigalot.
Bahagi ng pahayag ni Kabayan Partylist Rep. Harry Roque
By Len Aguirre | Mariboy Ysibido |Balitang Todong Lakas