Inihayag na ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang napili ni Pangulong Noynoy Aquino na maging hepe ng Philippine National Police (PNP).
Hinirang si Director Ricardo Marquez, Hepe ng Directorate for Operations para pamunuan ang Pambansang Pulisya pagkatapos ng pagreretiro ni acting PNP Chief Deputy Director Leonardo Espina sa Huwebes.
Si Marquez ay isang two-star general at miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1982 at nagsilbi bilang Regional Director ng Region 1 o Ilocos Region.
Kabilang sa pinagpilian ng Pangulo ay ang dalawang kandidato na mas senior kay Marquez, ito ay sina Deputy Director General Marcelo Garbo Jr. at Deputy Director General Danilo Constantino.
Maibalik ang tiwala sa PNP
Buong-pusong tinanggap ni bagong PNP Chief Ricardo Marquez ang pagkakatalaga sa kanya bilang bagong hepe ng Pambansang Pulisya.
Ayon kay Marquez, kanyang tinatanggap ang hamon na maibalik ang tiwala sa PNP at matiyak ang kaligtasan ng publiko, sa gitna ng kabi-kabilang preparasyon para sa APEC Summit at sa 2016 elections.
Nakiusap din si Marquez sa hanay ng PNP at sa publiko na suportahan at palakasin ang PNP sa paglaban sa kriminalidad.
Samantala, kumpiyansa si PNP-OIC Deputy Director Leonardo Espina na nasa mabuting kamay ang PNP, kay bagong PNP Chief Ricardo Marquez.
Ayon kay Espina, naipakita ni Marquez ang kanyang kakayanan sa iba’t ibang event na ginawa sa bansa, katulad nalang ng pagbisita ni Pope Francis nitong Enero.
Sa Huwebes ay iti-turn over na kay Marquez ang liderato ng PNP kasunod ng pagreretiro ni Espina sa Huwebes.
By Rianne Briones | Jonathan Andal