Pormal nang umupo bilang bagong hepe ng Pambansang Pulisya si Police Director Ricardo Marquez matapos ang pormal na pagreretiro ni PNP OIC Deputy Dir. Leonardo Espina.
Sa ginawang change of command at retirement honors, inilatag ni Marquez ang kanyang mga programa para sa PNP.
Isinusulong ng bagong PNP Chief ang pagpapaigting ng pagpapatrol ng Kapulisan upang labanan ang krimen sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa isinagawang turn over ceremony sa Camp Crame, sinabi ni Marquez hindi sapat na mapababa lamang ang crime rate bagkus ay dapat na magkaroon ng kapanatagan ang mga mamamayan.
“Nais nating ipatupad ang mga reporma sa Kapulisan upang makamtan ang minimithi ng bawat Pilipino, ang gumising araw-araw ng walang pangamba at mapayapang makapamuhay kasama ang kani-kanilang pamilya, dahil tiwala siyang may kuyang pulis at ateng pulis na nagbabantay ng kanyang seguridad sa lahat ng oras.” Ani Marquez.
Ipinag utos din ni Marquez ang pagkakaroon ng centralize na pagpa-proseso ng rehistro ng mga baril sa mga regional center at urban areas.
Binigyang diin din ni Marquez ang pagkakaroon ng study group upang maging pantay at reliable ang selection at placement sa mga bagong police commander.
Hindi rin aniya makakalusot ang mga pulis iskalawag sa kanyang pamumuno.
“Do your job well and you will be rewarded, if you’re threatened or in danger in the line of duty, I will be there for you, walang iwanan, but betray your oath and violate the law, sisiguraduhin kong may kalalagyan kayo.” Pahayag ni Marquez.
Mamayang gabi naman ay gagawin ang testimonial dinner para sa pagreretiro ni Espina.
Promotion
Samantala, inirekomenda na kay Pangulong Noynoy Aquino ang promosyon ni incoming PNP Chief Director Ricardo Marquez.
Ang rekomendasyon para sa four star rank ni Marquez ay nakapaloob sa en banc resolution 2015-304 ng National Police Commission na isinumite sa tanggapan ng Pangulo.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman at Executive Officer Eduardo Escueta, walang legal na balakid para sa bagong posisyon ni Marquez gayundin sa kanyang promosyon para sa kanyang four star rank general.
Natugunan aniya ni Police Director Marquez ang lahat ng requirement para maitalaga bilang hepe ng Philippine National Police.
By Katrina Valle | Rianne Briones | Jonathan Andal | Aileen Taliping