Tinawag na harassment ni Senador Antonio Trillanes ang direktiba ng DOJ o Department of Justice sa National Bureau of Investigation (NBI) na hanapin si Retired Police Officer Arturo Lascañas.
Ayon kay Trillanes, isa lamang itong patunay na totoo ang mga pagsangkot ni Lascañas kay Pangulong Rodrigo Duterte sa DDS o davao death squad.
Malinaw anyang pang-gigipit ang ginagawa ng DOJ sa lahat ng mga te-testigo laban sa Pangulong Duterte.
Matatandaan anya na nauna nang inipit ng gobyerno ni Duterte si Edgar Matobato na una nang kumanta sa senado hinggil sa DDS.
Si Lascañas ay ipina-aaresto ng hukuman dahil sa kasong pagpatay sa broadcaster na si Jun Pala.
Samantala, nasa labas pa rin ng bansa si Retired Police Officer Arturo Lascañas, isa sa mga umaming miyembro ng DDS at nagsangkot kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang ulo ng grupo.
Ayon kay Atty. Antonette Mangrobang, spokesperson ng Bureau of Immigration (BI), wala pa silang record ng pagbabalik sa bansa ni Lascañas.
April 8 nang magtungo sa Singapore si Lascañas kasama ang kanyang pamilya sakay ng Tiger Airways Fight 2703.
Gayunman, sinabi ni Mangrobang na hindi sila sigurado kung talagang sa Singapore ang pinal na destinasyon ni Lascañas.
Mayroon itong return ticket na may petsang April 22 subalit walang record ang immigration na nakabalik na ito sa bansa.
Planong imbestigasyon ng DOJ sa ‘di umano’y destabilization plot vs Duterte minaliit ni Trillanes
Minaliit ni Senador Antonio Trillanes ang planong imbestigasyon ng DOJ o Department of Justice sa ‘di umano’y destabilization plot laban sa Pangulong Rodrigo Duterte ng oposisyon.
Binigyang diin ni Trillanes na magsasawa lamang sa kaka-imbestiga si Justice Secretary Vitaliano Aguirre pero wala syang makikita o mapapatunayang kahit ano.
Napusoy lamang anya si Aguirre sa fake news kaya nililihis na naman nito ang isyu.
Una rito, ibinunyag ni Aguirre na nakipag-pulong ang oposisyon na kinabibilangan ni Trillanes, Senador Bam Aquino, Magdalo Party-list Representative Gary Alejano at dating political adviser Ronald Llamas sa isang angkan sa Mindanao, dalawang (2) linggo bago sumiklab ang kaguluhan sa Marawi City.
By Len Aguirre | With Report from Cely Bueno