Malaki ang posibilidad na magkakaroon ng panibagong salary increase ang mga manggagawang Pilipino.
Ito ang inihayag ni Senate Committee on Labor Chairperson Sen. Jinggoy Estrada, kasunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na repasuhin o i-review ang minimum wage sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Ayon kay Sen. Estrada, suportado niya ang “proactive approach” ng administrasyon sa pagtitiyak ng patas na kompensasyon para sa mga manggagawang Pilipino, sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Nilinaw rin ng senador na hindi magiging balakid ang pagrepaso sa minimum wage, sakaling maging ganap na batas ang naunang isinusulong na P100 daily minimum wage increase.
Aniya, kung mapagdesisyunan ng Regional Tripartite Wage and Productivity Boards (RTWPBs) na maglabas ng panibagong wage order, magiging malaking kaluwagan ito para sa mga kababayan nating pilit na pinagkakasya ang kanilang kita sa lumalaking gastusin ng kanilang pamilya.
Para naman kay Pangulong Marcos, itinayo ang Pilipinas sa pamamagitan ng pawis at pagsisikap ng mga manggagawang Pilipino, kaya nararapat lang aniya na patuloy silang alagaan ng pamahalaan.