Nananatiling buo ang disaster fund para sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Senate Committee on Finance Chairman Loren Legarda kasabay ng pagtanggi sa balitang tinapyasan ng 11 billion pesos ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2018.
Ayon kay Legarda, inilagay lamang ang bahagi ng nasabing pondo sa mga kinauukulang ahensiya tulad ng DPWH, Department of Education at Office of the Civil Defense.
Paliwanag ng senadora, layunin nitong maiwasan ang lump sum at para na rin magkaroon ng mabilis na access sa pondo sa panahon ng kalamidad.
Dagdag ni Legarda, karaniwang nasa Malacañang lamang ang buong pondo ng NDRRMC pero nakita nilang mas natatagalan ang pagpapalabas ng pondo sa panahon ng kalamidad kaya minabuti nilang ibigay na lamang ito sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalan.
(Ulat ni Cely Bueno)