Sinampahan ni Patricia Bautista, asawa ni COMELEC o Commission on Elections Chairman Andy Bautista ng kasong disbarment ang dean ng faculty ng Civil Law ng University of Santo Tomas na si Nilo Divina at 20 iba pa sa Korte Suprema.
Batay sa inihaing reklamo, nilabag umano ni Divina ang code of professional responsibility kaugnay sa pagkakasangkot umano nito sa korapsyon kasama ang Poll Chief.
Nag-ugat ang inihaing kaso sa mga nadiskubreng bank at real property documents sa pangalan ni Bautista at kamag-anak nito na hindi nakasaad sa kanyang SALN o Statement of Assets, Liabilities and Networth na nagkakahalaga ng halos 1 bilyong piso.
Maliban dito, idinawit rin ni Patricia si Divina sa mga tseke at commission sheets na inisyu nito sa pangalan ng kanyang asawa.
Ang Divina Law ang tumatayong legal counsel ng Smartmatic na technology provider ng 2010, 2013, at 2016 automated election sa bansa.