Nanatiling peligroso ang mga lansangan ngayon dahil sa sunod-susnod na pangyayaring aksidente dulot ng kawalan ng disiplina ng mga tsuper lalo na kapag ilan sa kanila ay lulon sa ipinagbabawal na gamot.
Kamakailan lamang ay nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga ang drayber ng Valisno Bus na nasangkot sa malagim na aksidente sa may hangganan ng Caloocan at Quezon City kung saan apat ang nasawi.
Katunayan, hindi na bago ang ganitong pangyayari sa hanay ng ilang tsuper ng bus, kesyo bago sumabak sa biyahe ng bus, ay hihit-hit muna ito ng “shabu” sa paniwalang sila ay magiging gising sa mahigit 24 oras na pasada, sa pag-asang makakuha ng maraming pasahero at makapag-uwi ng malaking take-home pay.
Ngunit ang malungkot dito, ay nalalagay sa peligro ang buhay ng kanyang pasahero na anumang iglap lamang ay masasadlak sa malagim na disgrasiya ang sinasakyan nilang bus.
Pero para sa ilang tsuper, balewala sa kanila ang peligro dahil tila ramdam nila na sila’y manhid at mapangahas dulot ng tama ng shabu, na siyang nagpapalakas ng kanilang loob upang makipag-karera sa kanilang kapwa mga tsuper.
Ika nga mistulang naka-beast-mode ang mga hinayupak na tsuper na ito, kaya resulta nadadamay ang mga walang kamuwang-muwang na pasahero.
Hindi mo talagang mamamalayan na lango sa droga ang mga tsuper na ito dahil kinikimkim nila ang matnding tama ng droga sa kanilang sistema, tulad ng wala na sa kanila ang batas trapiko.
Ngayon ang tanong, paano ba natin maiiwasan ang mga ganitong eksena sa kalsada?
Siento porsyento ng mga aksidente at disgrasiya sa kalsada ay nangyayari dahil sa kawalan ng disiplian ng mga tsuper o sa madaling salita, ang pagiging barumbado at kwalang hiya ng ilang tsuper ng bus.
May nagmungkahi na ipasailalim ang mga tsuper ng bus sa Psychological at Drug Test bago sila makahawak ng manibela, upang mabawasan ang mga aksidente sa kalsada.
Magandang mungkahi ito, ngunit di ba madali lamang pekeen ang mga resulta ng anumang test, kaya’t it will only defeat its purpose.
Siguro dapat mag-isip pa ng mga paraan ang mga ahensiya ng gobyerno at operator ng mga bus upang tuluyan nang mapatino ang mga tsuper ng bus.
Grabe na ang naidudulot na epekto at ilang buhay na ang naibuwis dahil lang sa kawalan ng disiplina ng ilang tsuper.