Binuhay muli ng ating mahal na Pangulong Noynoy Aquino ang responsibilidad ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police na pangangasiwaan ang traffic management sa Metro Manila.
Para sa Pangulo, ito ang kanyang nakikitang isa sa mga solusyon umano sa teribleng pagsisikip ng daloy ng trapiko na siyang inirereklamo ng sambayanan.
Pangunahing babantayan ng HPG ay ang mga choke points sa kahabaan ng Edsa na madalas pinagsisimulan ng trapik.
Dahil sa kautusang ito, pinagpapalagay natin na ang puno’t-dulo ng problema pala ng trapik sa Edsa ay ang kakulangan ng pagpapatupad ng batas trapiko, ika nga law enforcement.
Dahil sa matagal nang panahon na iniatang sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng batas trapiko sa kalakhang Maynila, ay lumalabas na hindi pala ito naging epektibo, katunayan dumami pa ang mga barumbado at mga abusadong tsuper sa lansangan, karamihan dito ay mula sa mga pampublikong behikulo o PUVs at mangilan-ngilan mula sa pribadong mga sasakyan.
Marahil tama ang Pangulo, na dahil sa matagal nang panahon na ini-ismol lamang ng ilan nating mga kababayang tsuper ang kakayahan ng MMDA Traffic enforcer, kesyo binu-bully ang mga ito.
Katunayan, mailing beses nang napaulat ang pagkadehado ng ilang MMDA constables nang sila ang pinagdidiskitahan ng mga mayayabang na tsuper.
Ngayon dahil nariyan na ang mga pulis, siguro magbabago ang asal at ugali ng mga drayber dahil mahirap nga namang makipagtalo sa alagad ng batas.
Kung dati, batuta at patpat lamang ang dala ng mga traffic enforcer ng MMDA, ngayon, mas titino na yata ang mga tsuper dahil armas na ng tunay na alagad ng batas ang kanilang makakatapat.
Pero higit sa pananakot ang dala ng mga HPG, tiyak na magkakaroon ito ng stigmatic effect, dahil mas dapat unahin ang paguugali at disiplina ng isang manlalakbay para mas mapa-ayos ang takbo ng daloy ng trapiko.
Ito rin ang mensaheng ipinarating sa atin ng mga alagad ng Diyos o mga Obispo at Cardinal, na unahin munang baguhin ang disiplina at ugali ng mga tsuper, at susunod na ang lahat!
Dito nakatitiyak tayo na unti-unting makikita ang paggaan ng daloy ng trapiko, dahil marami na ang susunod sa batas trapiko.
Bigyan natin ng pagkakataon na maipakita ng mga taga-HPG, na sila ang tagapagpatupad ng batas, at huwag sanang mangyari na sila ang pagmulan ng kawalan ng disiplina ng mga tsuper.
At kapag may disiplina na sa mga tsuper, sunod nating baguhin ang sistema at mga improvement sa imprastraktura at kalsada sa Metro Manila.